Saturday, July 17, 2010

Tired :|


Hayy pagpasok ko pa lang ng paaralan, kaba ang aking unang naramdaman. Hindi pa kasi ako tapos sa paggawa ng aking asignatura sa Drawing Laboratory. Habang ako ay gumagawa, tumapon ang tinta ng techpen sa aking papel. Gusto ko nang umiyak nang mga oras na iyon, buti na lang at masayahin akong tao kaya tumawa na lang ako at sinamahan pa ako ni Vinna. Siya na ang nagligpit ng mga pinagkalatan ko sa library at ibinigay naman ni Sandra ang isa niyang gawa sa akin. Gusgusing bata ako ng mga panahong iyon dahil kumalat ang tinta sa aking mga kamay na nagmistulang kulay itim ang mga ito. Naku, si Sandra naman ngayon ang nakalatan ng tinta. Napilitan tuloy siyang umulit. Nababahala ako sa kanya, hindi sa aking gawa, dahil ilang minuto na lang at magsisimula na ang klase. Dumating si Crisa sa klase at tapos na niya ang kanyang drawing. Magaling na bata kasi itong si Crisa, taas nga ng mga marka niya. Siya ang nagsusulat ng mga letra para sa akin. Hindi kasi kanais-nais ang aking sulat kapag gumagamit ng techpen. Nanginginig ang aking mga kamay waring nanlalamig ako.
Napakahirap ng sumunod na pinagawa sa amin. Nakatatlong ulit ako dahil sa techpen nanaman. Ang buong akala ko ay matalik na magkaibigan na kami ng aking techpen, ngunit ako ay nagkamali. Marami pala talagang namamatay sa maling akala. Mabuti na lang at sadyang matulungin si Crisa kaya ginawa niya ako. Maraming salamat kaibigan.
Chemistry, nakakaantok na klase kung ito'y maituturing. Tipong nasa harap ng silid na ako nakaupo, hindi ko pa rin mapigilang ang aking sarili na mapapikit. Ayoko na lang isipin ang asignaturang ito at baka mawalan lang ako ng gana sa pagsusulat haha:)).
Theology ang sumunod, gusto ko na sana itong asignaturang ito dahil sa lilipat kami ng upuan(JOKE haha) at dahil isa ako sa mga maswerteng kabataang naglilingkod sa Diyos. Ngunit inaantok pa rin ako.
Engineering Orientation 101 ay sadyang masaya kahit na iba na ang prof namin. Mamimiss ko ang dating dean na si Ginoong Lim dahil sadyang nakatatawa siya. Nakabubuhay ng dugo ang paraan ng kanyang pagtuturo. Hindi pa namin kilala kung sino ang aming bagong guro dahil ang namuno sa klase namin ay ang kasalukuyang dean na si Ginoong de Alban. Unang tingin ko sa kanya ay isang nakaaantok na tao ngunit nagkamali nanaman ako. Ang galing niyang magkwento sa harapan dahil lahat ng sinasabi niya ay patungkol sa lahat ng mga estudyangteng kagaya ko. Sa wakas uwian na, kay tagal kong hinintay ang sandaling ito.
Nakasanayan na naming pumunta ng CR bago lumabas ng gusali. Waring ayaw na naming lumabas ng banyo dahil sa pag-aayos ng aming mga sarili. Dito ko naramdaman na isa na akong kolehiyala.
Sinorpresa nga pala ni Jeremy si Dianne kanina dahil kaarawan na nito kinabukasan. Binigyan ni Jeremy si Dianne ng mga puting rosas at isang malaking teddy bear.
Naabutan kami ng ulan dahil sa paghihintay kay Dominic na nanggaling pa sa kanyang dorm sa Dapitan. Wala akong dalang payong kaya napagpasiyahan namin na maligo na lang kami sa ulan. Gumaling na ang ubo ko ngunit bumalik nanaman ito dahil sa katigasan ko ng ulo.
Sa araw-araw, kaming dalawa ni Crisa ang magkasama, mula pagpasok hanggang pag-uwi. Nagtungo kaming dalawa sa SM Manila upang kumain. Umaaray na ang bulsa ko. Sana magkapera na ulit ako dahil malapit na ang aking kaarawan AUGUST 12, ngunit pagsusulit siguro namin ang araw na ito.
Napagpasiyahan naming kumain sa Tokyo Tokyo. Kay sarap ng kanilang soup, at kay anghang naman ng kanilang manok. Madalas kaming magtungo sa National Bookstore upang tumingin ng goggles para sa Chemistry Laboratory, ngunit hindi na namin hinahanap iyon kapag nakapasok na kami.

No comments:

Post a Comment